Ang kasaysayan ng Pentecostalism na tinatawag ding Charismatic, Full-Gospel, o Born-Again Movement ay hindi lang interesante at nakapagbibigay-kabatiran. Ito rin ang magpapasiya kung ang kilusang ito ay buhat sa Diyos—kung ito nga ba ay dapat tanggapin bilang mula sa Espiritu ni Jesu-Cristo gaya ng inaangkin nito, o kung ang Pentecostalism ba ay sa demonyo. Ito ang layunin natin sa maiksing lathalaing ito bilang pagsunod sa utos ng apostol, “Inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos” (1 Juan 4:1).
Ang kilusang Pentecostal ay ipinaglihi sa sinapupunan ng Bethel Bible College sa Topeka, Kansas nang Bagong Taon ng 1900. Ang kilusan ay isinilang sa sanlibutan sa Asuza Street sa Los Angeles, California noong 1906.
Una'y ipinaglihi muna ito. Gabi ng huling araw ng 1899, o madaling araw ng unang araw ng 1900, ipinatong ng manlalakbay na mangangaral na si Charles Fox Parham ang kanyang kamay kay Agnes Ozman, nang sa gayo’y matanggap nito ang "Bautismo ng Espiritu Santo" bilang ikalawang gawa ng biyaya. Tinanggap ni Agnes ang "bautismo" at nagsalita siya sa iba’t ibang wika [speaking in tongues] bilang ebidensya nito. Ito ay kilala sa pangkat ng mga Pentecostals bilang “ikalawang Pentecostes.”
Pagkatapos ay ang kapanganakan makalipas ang anim na taon sa mga revival meetings na idinaos sa mga sira-sirang gusali sa Asuza Street sa Los Angeles. Ang mangangaral na nagsilang sa Pentecostalism—ang obstetrician ng Pentecostalism—ay si Rev. W. J. Seymour. Pinatungan niya ng kanyang kamay ang mga tao sa kanyang maliit na grupo, at tinanggap nila ang "Bautismo ng Espiritu Santo" at nagsalita sa iba’t ibang wika. Si Seymour ay isang kakatuwang tao. Nagpatuloy ang mga revivals bawat gabi sa loob ng maraming taon. Madalas umupo si Seymour sa likod ng pulpito na suot sa kanyang ulo ang kahon ng sapatos habang ang masiglang pagtitipon ay nagwawala sa harap niya. Ang mga pagtitipon ay magulo: nagsasalita sa mga wika, gumugulong sa sahig, bumabagsak at dumadapa, umiiyak, tumatawa, nangingisay at may lumulutang pa! Mismong ang Pentecostal na istoryador na si Vinson Synan ang naglarawan ng mga pagtitipong ito sa Asuza Street at ang kakatuwang kilos ni Rev. Seymour (The Holiness-Pentecostal Movement in the United States, Grand Rapids: Eerdmans, 1971, pp. 108, 109). Ang kaugnayan ng pagkakalihi ng kilusang Pentecostal sa Kansas noong 1900 at sa kapanganakan nito sa Los Angeles noong 1906 ay natutunan ni Seymour ang "Bautismo ng Espiritu Santo" kay Parham sa mga pagtitipon sa Texas.
Di nagtagal ay dumumog ang mga tao sa Asuza Street mula sa lahat ng dako sa Los Angeles, mula California, mula Estados Unidos, at mula sa buong mundo upang maranasan ang "Bautismo ng Espiritu Santo" at dalhin ito sa kani-kanilang bayan. Ang direktang resulta ay ang pagkakatatag sa Assemblies of God (Pentecostal) Churches noong 1914 at ang pandaigdigang paglaganap ng Pentecostalism.
Ang mga katuruan at gawaing Pentecostal ay minaliit noong una sa mga malalaking simbahan hanggang sumapit ang mga dekada 1950 at 1960 kung saan pumasok ito maging sa mga simbahang Baptist, Lutheran, Presbyterian, at maging Romano Catolico. Ito ang tinatawag na “Charismatic Movement” o “charismatic renewal” upang maitangi sa Pentecostalism. Binigyang diin sa mga simbahang ito ang mga espesyal na kaloob ng Espiritu, ang “charismata” higit pa sa ginawa ng Pentecostalism. “Neo-Pentecostalism” din ang tawag sa kilusang ito sa mga malalaking simbahan.
Naging karespe-respeto ang Pentecostalism. Tinawid nito ang mga hangganan ng doktrina at mga simbahan. Tinanggap ng mga simbahan ang Pentecostalism at sinang-ayunan ang espiritung Pentecostal bilang Espiritu ni Jesu-Cristo.
Isang makabagong pag-unlad ng kilusang Pentecostal/charismatic ay ang kilusang “Signs and Wonders” ni John Wimber at ng kanyang bagong denominasyon, ang Vineyard Fellowship. Inaangkin ng bahaging ito ng kilusang charismatic na mayroon silang kakayahang gumawa ng mga himala na tumutulong sa paglago at pagdami ng mga simbahan (church growth). Kaugnay nito ay ang bantog na “Toronto Blessing” na kilala sa “holy laughing” (banal na tawanan) na nagtatagal nang maraming oras. Ang mga ito ay bahagi lahat ng kilusang Pentecostal habang ang kilusang ito ay umuunlad sa naiibang mga kaloob ng Espiritu. Tinatawag ng mga Pentecostal ang kilusang ito na “The Third Wave” of Pentecostalism.
Kung nakakamangha ang kasaysayan ng Pentecostalism matapos itong isilang noong 1900/1906, ang kasaysayang naghatid sa pagsilang ng Pentecostalism ay magpapatunay sa ating matuwid na paghatol, kung ito ba ay buhat sa Diyos o sa demonyo. Ang Pentecostalism ay direktang nagmula sa teolohiya ng Britong mangangaral ng ika-18 siglo na si John Wesley, partikular sa kanyang katuruan ng “second blessing” sa buhay at karanasan ng Cristiano. Ayon kay Wesley, may “pangalawang gawa ng biyaya” sa Cristiano matapos itong magbagong-loob (conversion) upang iangat siya sa higit na mataas na antas ng kaligtasan: ang antas ng tinatawag na “sinless perfection” (walang kasalanang kaperpektuhan). Ang second blessing na ito ay mas mahalaga kaysa sa una na paggagawad “lamang” ng kapatawaran. Kailangang magampanan ng Cristiano ang ilang kundisyon bago igawad ng Espiritu ang maluwalhating karanasang ito.
Ang mga aral ni Wesley tungkol sa second blessing ay nagresulta sa pagkakatatag “Holiness Movement” noong ika-18 siglo sa Hilagang America at Inglatera. Idinaos ang mga revival meetings kung saan iginagawad ng espiritu ang perpektong kabanalan at mas mataas na buhay Cristiano. Isa sa mga pangunahing ebanghelista na nangaral ng umano’y ganitong kamangha-manghang kilos ng Espiritu ay si Charles Finney. Sa mga pagtitipong ito ang pagtanggap ng naturang pagpapala ay sinabayan ng mga pambihirang pangyayari na maglao’y nakita sa "Bautismo ng Espiritu Santo" ng Pentecostalism.
Ang kilusang Pentecostal/charismatic ay napatunayang “hidwang pananampalataya” (heresy) sa simpleng kadahilanan na bunga ito ng teolohiya ni John Wesley, at ang teolohiya ni John Wesley ay ang bulaang ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng desisyon (will) at gawa mismo ng makasalanan. Ito ay "Arminianismo." Tinuro ni Wesley na mahal ng Diyos ang lahat ng tao, na namatay si Cristo para sa lahat, at ibig ng Espiritu na iligtas ang lahat, subalit ang kaligtasang ito ay nakasalalay sa pagpili ng makasalanan na siya ay maligtas sa pamamagitan ng kanyang malayang pasiya (free will). Ang teolohiya ni Charles Finney na pangunahing tagapangaral ng “Holiness Movement” na nag-uugnay kay Wesley at sa Pentecostalism ay katulad ng teolohiya ni Wesley.
Ang Pentecostalism ang natural na bunga ng bulaang ebanghelyong iyon. Na ang Pentecostalism ay purong Arminianismo ay hayag, at walang hiyang patotoo mismo ng mga Pentecostals (Don Basham, Handbook on the Holy Spirit Baptism, Monroe PA: Whitaker Books, p. 35; Vinson Synan, The Holiness-Pentecostal Movement in the United States, p. 217). Ito ang dahilan kung bakit ang Pentecostalism ay katanggap-tanggap maging sa simbahang Romano Catolico. Ang ebanghelyo―ang mensahe ng kaligtasan―ng Pentecotalism ay Arminianismo, at ang Arminianismo ay Semi-Pelagianism, na siyang ebanghelyo―ang mensahe ng kaligtasan―na prinoproklama ng Roma.
Pagsisihan nawa ng Pentecostal ang paniniwala niya sa bulaang ebanghelyo, at sa biyaya ng Diyos, sampalatayan ang tunay na Ebanghelyo. Sa ganitong paraan ay tatamasahin niya ang kapayapaan sa Diyos at ang kapangyarihang isagawa ang pagkatawag sa kanya bilang Cristiano.
Siyasating mabuti ng mga taong natutuksong umanib sa charismatic movement ang mensahe ng Pentecostalism, ang ebanghelyo nito, batay sa pamantayan ng katuruan ng Biblia, hindi sa mga kaloob at karanasan, kundi sa Ebanghelyo.
At tayo na nananalig sa tunay na Ebanghelyo, na sumasampalatya sa Panginoong Jesu-Cristo, ay mabigyang katiyakan nawa sa pamamagitan lamang ng pananampalatya kay Jesu-Cristo na, “Tayo ay kumpleto sa kanya,” dahil, “sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan” (Colosas 2:9, 10).
Para sa ibayo pang pag-aaral tungkol sa paksang ito bisitahin lang ang link na ito: http://prca.org/pamphlets/pamphlet_91a.html.
A newsletter/journal published in Filipino (Tagalog dialect) as a ministry of the denomination of Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines. It is primarily a means of instruction as well as a medium to proclaim and explain the convictions of the BTRC concerning the Gospel of God's sovereign particular grace in salvation.